Manila, Philippines – Umapela sa mga lokal na pamahalaan ang Department of Education na magpasa ng ordinansa na maghihigpit sa mga bulakbol na mag-aaral o nagma-mall lamang sa oras ng klase.
Sa gitna parin ito ng patuloy na presensya ng ilang mag-aaral sa mga mall at computer shop kahit pa oras ng kanilang klase.
Aminado naman si DepEd Usec. Jesus Mateo na kahit may kautusan ang ahensya na nagbabawal sa mga estudyante na magbulakbol sa oras ng klase ay tila wala naman itong pangil.
Aniya hindi naman maaaring utusan ng departamento ang mga business establishments na wag magpapasok ng mga estudyante o di kaya’y tanungin ang mga ito isa isa bago pumasok ng mall.
Magkagayunman sinabi ni Mateo na mayruon ng koordinasyon ang DepEd sa mga mall operators pero mas magiging epektibo aniya ito kung susuportahan ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito nagbabala parin ang DepEd sa mga estudyante na nagcu-cutting classes na sila rin ang magsisisi sa bandang huli dahil tiyak na magkakaroon sila ng problema sa kanilang mga grado.