Manila, Philippines – Nagbabala si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na posibleng umakyat pa sa 6% ang inflation rate sa bansa hanggang sa katapusan ng 2018.
Ayon kay Zarate, kung patuloy ang implementasyon ng TRAIN Law ay asahan na lalong tataas pa ito.
Sinabi ng kongresista na mabibigla at hindi kakayanin ng publiko ang lalo pang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at tiyak na higit na mahihirapan dito ang mamamayan.
Dagdag pa ng kongresista ang nararamdamang epekto ngayon ng TRAIN ay simula pa lamang ng pahirap sa taumbayan at pinaghahanda ang taumbayan sa mga susunod pang pagtataas sa excise tax sa fuel, diesel at gasolina sa 2019 at 2020.
Giit ng kongresista, ngayon ay marami na ang nahihirapan ng magpataw ng P2.50 excise tax sa langis at mas lalo pang malulugmok sa kahirapan ang mga Pilipino kapag pumatak na sa P4 ang excise tax langs sa 2019 at P6 excise tax sa 2020.
Umapela si Zarate sa Kamara na dinggin na ang panukala na nagpapabasura sa TRAIN Law para gumaan na ang buhay ng mga Pilipino.