Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mananagot sa batas ang alinmang militanteng grupo na magtatangkang magsunog ng kanilang effigy kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, mahigpit nilang paiiralin ang Batas Pambansa 880 kung saan nakasaad na ipinagbabawal ang pagsusunog ng anumang bagay sa kalsada.
Maliban dito, mahaharap din sa paglabag sa Clean Air Act ang sinumang magsusunog ng effigy.
Una rito, inihayag ng PNP na nasa final stage na sila, isang linggo bago ang ikatlong SONA ng Pangulo at hinihintay na lamang nila ang ilalabas na mga permit ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon kung aling grupo ang papayagang magkasa ng kilos protesta.
Kasunod nito, muling tiniyak ng PNP na wala silang namo-monitor na anumang seryosong banta sa nalalapit na SONA ni PBBM.