Manila, Philippines – Binalaan ng bagong district director ng MPD na si Police Senior Superintendent Vicente Danao ang mga opisyal at kagawad ng Manila Police District (MPD) na umalis na sa kanilang mga posisyon lalo na yaong hindi gusto ang kanyang mga panuntunan.
Ayon kay Danao, simula sa Lunes ay magpapatupad siya ng one-strike policy, na nangangahulugang sinumang makagawa ng pagkakakamali sa tungkulin ay hindi na bibigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag, kundi agad masisibak sa puwesto.
Nilinaw ni Danao na bilang pinuno ng kanilang mga nasasakupan ay kabisado ng mga hepe ang ugali at mga ginagawa ng kanilang mga tauhan.
Aminado si Danao na galing siya sa maliit na lugar na hindi kasinlaki ng distrito ng Maynila ngunit kanyang nilinaw na walang pinagkaiba ang uniform niyang suot sa suot ng mga pulis sa Maynila.
Partikular na binigyan 24-oras ni Danao ang mga PCP Commander na lumayas sa kanilang puwesto kung hindi kayang magpatino ng mga tauhan.
Paalala ni Danao sa kanyang mga tauhan na kung gustong gumawa ng kasamaan ay huwag gawin sa loob ng kanilang tanggapan.
Napamura pa si Danao kasabay ng babala na huwag niyang makikita o masasalubong ang mga tiwali, abusado at mapagsamantalang sa ilalim ng kanyang pamumuno dahil kanyang babarilin.
Inatasan din ni Danao ang personnel department ng MPD na ilabas ang listahan ng buong puwersa ng MPD Command at palutangin ang mga Ghost Police gayundin ang mga nakadestino sa kung sinu-sinong personalidad.