Manila, Philippines – Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa China na huwag gumawa ng anumang hakbang partikular ang pagsipsip ng langis sa West Philippine Sea.
Muling sinabi ng Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping na hindi igigiit ng Pilipinas sa Beijing ang desisyon ng United Nations Arbitral Tribunal.
Pero nanindigan ang punong ehekutibo na dapat igalang ng China ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang isla.
Aminado ang Pangulong Duterte na hindi kayang pantayan ng Pilipinas ang military power ng Tsina.
Pero handa aniya siya na ipadala ang mga sundalo at pulis para depensahan ang soberenya ng Pilipinas kahit ang dala lamang ay bolo at kutsilyo.
Bukod sa Pilipinas, ang Malaysia, Vietnam, Taiwan at Brunei ay may inaangkin ding bahagi sa West Philippine Sea.