Manila, Philippines – Muling nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagdalo nito sa turnover ceremony ng makasaysayang Balangiga bells sa St. Lawrence Parish Church sa Eastern Samar sa Sabado, December 15.
Una rito, sinabi ng Palasyo na hindi dadalo ang Pangulo dahil sa mga bagay na dapat asikasuhin nito bilang Presidente ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – nagbago ang pasya ni Pangulong Duterte dahil na rin sa hiling ng mga taga-Eastern Samar na pangunahan nito ang turnover ceremony ng mga kampanya sa bayan ng Balangiga.
Dahil dito, pinabago umano ng Pangulo ang kanyang schedule para makiisa sa pagbabalik ng mga kampana na naibalik sa bansa makalipas ang 117 taon.
Dagdag pa ni Panelo – nais ng Pangulo na bigyang-halaga ang pagbabalik ng Balangiga bells na simbolo aniya ng katapangan at pagiging makabayan ng mga Pilipinong tumangging magpasakop sa dayuhan.
Sinasabing ang mga kampanya ay patutunugin sa unang araw ng simbang gabi sa bayan ng Balangiga.