Manila, Philippines – Nagbanta si District Director Senior Superintendent Vicente Danao Jr. na mayroong paglalagyan si Barangay Chairman Felipe Falcon Jr. kapag lumabas na ang warrant of arrest at isilbi sa kapitan at manlaban sa mga pulis.
Ayon kay Senior Superintendent Danao may paglalagyan at posibleng gawing nitong accomplishment sa kanyang liderato kung manlaban si Falcon sakaling lumabas na ang warrant of arrest at isilbi sa barangay opisyal.
Mariing kinundena ni Danao ang ginawang pambubugbog ng Barangay Chairman ng Barangay 350, Zone 35, District III, Sta. Cruz, Manila sa isang 16-anyos na binatilyo sa loob mismo ng nasabing barangay hall, noong November 3, 2018.
Ayon kay Danao hindi makatarungan at makatao ang ginagawang pambubugbog ni Barangay Chairman Falcon Jr. sa 16-anyos na binatilyo sa loob mismo ng barangay hall kaya dapat kapag lumabas na ang warrant of arrest hindi sila mag aatubiling arestuhin ang kapitan.
Paliwanag ni Danao walang puwang sa gobyerno ang isang halal na opisyal na sa halip na ipagtanggol ang kanyang mga nasasakupan ay siya pa mismo ang gumagawa ng pang aabuso, pananakit at panunutok ng baril sa mga ito, katulad na lang ng sinapit ng 16-anyos na binatilyo.
Una rito lumutang na sa opisina ng barangay affairs ng DILG sa pamumuno ni Undersecretary Martin Diño si Barangay Chairman Falcon hindi upang sumuko kundi magsumite ng leave of absence.