Manila, Philippines – Nagbanta si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Vicente Veloso sa mga Senador na ikakampanya ang mga ito na huwag iboto ng publiko kung hindi susuportahan ang Federalism.
Sa katunayan, sinabi ni Veloso na nag-usap na sila ng mga kongresista na aabot sa 100 upang ikampanya na huwag iboto ng taumbayan sa 2019 midterm elections ang mga Senador na hindi umaaksyon sa Pederalismo.
Hindi naman pinangalanan ni Veloso kung sinu-sino ang mga Senador na ito.
Iginiit ng mambabatas na ginawan na ng paraan ng Kamara na sumunod sa gusto ng Senado na hiwalay na botohan sa Federalism pero hanggang ngayon ay walang aksyon dito ang Mataas na Kapulungan.
Nais na aniya ng Kamara na trabahuhin na ang federalism dahil mayroon nang draft ang consultative commission na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno at gumastos na rin dito ang gobyerno rito.
Sinabi pa nito na kung magco-convene naman ang Senado at Kamara bilang Constituent Assembly ay hindi nangangahulugan na magkasama sila sa isang lugar kundi magpapasa ang mga ito ng kanya-kanyang bersyon saka magkakaoon ng bicameral conference upang i-reconcile ang hindi pinagkasunduang probisyon.