Manila, Philippines – Nagbanta si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na posibleng sampahan nila ng kaso sina Energy Regulatory Commission Chairman Agnes Devanadera at ang iba pang ERC Commissioners kung aaprubahan ng mga ito ang Meralco “sweetheart deals”.
Ito ay kaugnay sa multi-trillion peso power supply agreements na ini-award ng Meralco sa pitong power generation companies nito.
Ayon kay Zarate, sasampahan niya ng kasong katiwalian si Devanadera at ang iba pang commissioners ng ERC kung aaprubahan ng mga ito ang deal sa Meralco.
Sinabi ni Zarate na may mga balitang nakakarating sa kanilang tanggapan na sinusubukan ng ERC na aprubahan ang nasabing `Meralco midnight deal` sa kabila nang hindi pagdaan ng kasunduan sa Competitive Selection Process (CSP).
Tinitiyak ng mambabatas na hindi magdadalawang isip na sampahan ang mga kasalukuyang opisyal ng criminal at administrative charges.
Sakaling ituloy ang kwestyunableng kasunduan sa Meralco ay papalo sa P1.55 per kilowatt-hour ang dagdag na singil sa kuryente.