Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na dapat ay bumuo ang University of the Philippines ng isang komite na siyang mag-iimbestiga sa sinasabing pagbabanta ni University of the Philippines Regent Frederick Farolan laban sa basketball players ng Ateneo de Manila University.
Matatandaan na inulan ng batikos si Farolan matapos ang kanyang pahayag sa social media na hindi makukumpleto ang basketball team ng Ateneo sa susunod na laban dahil may masasaktan sa mga ito.
Sinabi din nito na dapat ay magsama-sama ang mga fraternity sa UP at bumuo ng isang strike team laban sa koponan ng Ateneo.
Dahil dito ay inalmahan din ng ilang senador ang pahayag na ito ni Farolan partikular sina Senador Nancy Binay at Senador Francis Pangilinan na nanawagan ng pagbibitiw ni Farolan sa posisyon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, mas magandang imbestigahan muna ang insidente at bigyan ng pagkakataon ang inaakusahan na makapagpaliwanag.
Dumistansiya naman ang Malacañang sa usapin at sinabing bahala na ang pamunuan ng UP sa issue dahil iginagalang nila ang independence ng unibersidad.