Nagbebenta ng pekeng vaccination cards online, arestado sa Quezon City

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Antonio Yarra ang suspek sa pagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccination cards online sa Quezon City.

Kinilala ni PMaj. Loreto P. Tigno, Chief ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang suspek na si Mark Anthony Cervantes, 33 anyos residente ng Santiago St., Brgy. Malanday, Valenzuela City.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng QCPD, nagsagawa ng cyber-patrolling ang mga operatiba ng District Anti-Cyber Crime Unit (DACCU) sa pamamagitan ng kanilang official Facebook account nang maispatan ang account ng isang Reylelyn Dela Fuente na nag-aalok ng vaccination card ng hindi pa mga nabakunahan kapalit ang halagang ₱400.00 at agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng DACCU sa mga operatiba ng CIDU para sa validation ng naturang impormasyon.


Makaraang maberipika, agad na nagsagawa ng joint buy-bust operation ang mga operatiba ng DACCU at CIDU operatives sa East Service Road malapit sa Edsa Balintawak, Brgy. Unang Sigaw, Quezon City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Cervantes.

Nakumpiska sa suspek ang pekeng vaccination cards at buy-bust money.

Sinampahan na ng kasong Falsification of Public Documents sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabga sa R.A. 11332 or the Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Law ang naturang suspek.

Facebook Comments