Nagbigay ng maling impormasyon kay Pangulong Duterte na kasama ang Pilipinas sa hindi bebentahan ng European Union ng bakuna, dapat magbitiw

Iginiit ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson na wala dapat puwang ang maling mga impormasyon sa pagsisikap ng pamahalan na makakuha ng bakuna para maproteksyunan ang mga Pilipino laban sa COVID-19.

Bunsod nito ay pinagbibitiw ni Lacson ang sinumang nagbigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng maling impormasyon na kasama ang Pilipinas sa hindi bebentahan ng European Union (EU) ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca.

Matapos na klaruhin ng kinatawan ng EU ang impormasyon ay sinabi ni Lacson na nakakapanghina sa bayan ang pagbibigay ng impormasyon sa Pangulo na pagdadamutan ng bakuna mula sa Europa ang mga Pinoy.


Ayon kay Lacson, makabubuting magbitiw ang sinumang nagreport ng mali kay Pangulong Duterte upang maisalba tayo sa kahihiyan o international embarassment.

Diin ni Lacson, huwag bigyan ng maling impormasyon ang Presidente tungkol sa bakuna, dahil hindi siya kabute na sa madilim na lugar pinapalaki at hindi nakikita kung ano ang ipinapakain.

Muli, ipinaalala ni Lacson na mahalaga na maagang mabakunahan ang mga Pinoy upang malaya silang makagalaw para sa pagbangon ng ekonomiya.

Facebook Comments