Nagbitiw na anti-fraud officer sa PhilHealth, itinuturing na ‘mafia’ ang executive committee

Inakusahan ng nagbitiw na anti-fraud officer sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang executive committee na pinapatakbo ang tanggapan na katulad ng isang “mafia.”

Ayon kay Thorrsson Montes Keith, nagkaroon siya ng pagkakataon na umupo sa executive committee meetings matapos siyang kunin sa PhilHealth noong October 2019.

Sinabi ni Keith na maraming inaaprubahan ang komite na maanomalyang proyekto kabilang ang Interim Reimbursement Mechanism Funds (IRM) o cash advance na ibinibigay sa mga ospital.


Ang IRM ay layong mabigyan ang healthcare providers ng kinakailangang liquidity para makatugon sa health situations tulad ng COVID-19 pandemic.

Kinuwestyon din niya ang memorandum na inilabas ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales kung saan pinapayagan ang mga ospital na huwag i-liquidate ang kanilang IRM funds.

Pero nilinaw ni Morales na na-liquidate ang mga pondo.

Dagdag pa ni Keith, gusto rin ni Morales na panghimasukan ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission sa sinasabing overpriced COVID-19 testing kits.

Kumakanlong din aniya si Morales sa mga tiwaling opisyal at bahagi pa ng sinasabing sindikato doon.

Pero kinontra ito ni Morales at sinabing naghihiganti lamang si Keith dahil hindi nakuha ang gusto niyang posisyon.

Pinuna rin ni Keith ang ₱2.1 billion IT project ng PhilHealth, pero ang sagot ni Morales ay wala pang desisyon ang PhilHealth board hinggil sa proyekto.

Una nang iginiit ni Morales na malawak at malalim ang problema ng katiwalian sa PhilHealth.

Pero tiniyak ni Morales na patuloy ang serbisyo ng PhilHealth sa gitna ng mga reporma.

Sa ngayon, parehong iniimbestigahan ng Malacañang at ng Kongreso ang kontrobersiya ng katiwalian sa PhilHealth.

Facebook Comments