Nagbitiw na DA Usec. Leo Sebastian, hindi umano pinilit sa paglagda sa Sugar Order No. 4

Nilinaw ng nagbitiw na si dating Agriculture Usec. Leocadio Sebastian na walang namilit sa kaniya para lagdaan ang Sugar Order No. 4.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, binigyang diin ni Sebastian na walang sinuman ang nam-pressure sa kaniya para lagdaan ang SO4 para makapag-angkat ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal.

Paliwanag pa ng dating opisyal, nilagdaan niya ang SO4 para sa kalihim ng Department of Agriculture (DA) salig na rin sa memorandum na inilabas ng opisina ng Executive Secretary noong July 15.


Nataon naman na ang acting Secretary ng DA ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nakasaad aniya sa memorandum na maaari siyang umupo bilang ex-officio chairman ng boards, councils, bodies at committees ng alinmang ahensya ng pamahalaan kung saan miyembro ang kalihim ng DA.

Sa SRA board ay umuupo namang ex-officio chair ang DA secretary at dahil sa memo ito aniya ang naging basehan niya sa paglagda ng SO4.

Nanindigan din si Sebastian na talagang may kakapusan sa suplay ng asukal dahil ang mga kasalukuyang nakaimbak ay tatagal lamang hanggang Agosto.

Facebook Comments