Hindi sapat para kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na nagbitiw lang si Quezon City Police District (QCPD) Chief Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Kung tutuusin para kay Brosas, ang pagbibitiw ni Torre ay tila pag-iwas sa kritisismo makaraang tila pagmukhain nitong biktima ang retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales na sumapak at nagkasa ng baril sa isang siklista.
Bunsod nito ay iginiit ni Brosas na dapat sampahan ng kasong administratibo si Torre at huwag hayaang makaligtas sa pananagutan sa naturang insidente.
Diin pa ni Brosas, makikita rin sa track-record ng QCPD sa ilalim ng liderato ni Brig. Gen. Torre ang kawalan ng respeto sa karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag.
Ayon kay Brosas, patunay nito ang pagsasampa ng kaso ng QCPD sa 14 opisyal ng iba’t ibang progresibong grupo na nagsagawa ng rally nitong nakaraang State of the Nation Address ng walang kaukulang permit.