Manila, Philippines – Wala pa ring kawala ang nagbitiw na si Social Security System President at CEO Emmanuel Dooc sa mga isyu ng collection inefficiency at nakaambang premium hike sa mga SSS member.
Sabi ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, kailangang sagutin muna ni Dooc ang mga tanong at maging transparent sa financial data lalo at patuloy ang panawagan nilang taasan ang kontribusyon ng mga miyembro.
Dapat rin aniyang ipaliwanag ni Dooc ang lumolobong uncollected premiums simula pa noong 2013 na ayon sa Commission on Audit (COA) ay hindi bababa sa P40 billion.
Dagdag pa ng kongresista, mismong si Dooc na ang umamin na nangongolekta sila ng mga premium mula sa 15 hanggang 16 million members lamang na kung tutuusin ay kaunti mula sa kabuuang 36 million na miyembro.
Hindi aniya dapat takasan ni Dooc ang pananagutan sa pamamagitan ng pagbibitiw sa puwesto sa harap ng palpak na performance sa SSS.