Manila, Philippines – Naghahanda na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa nakatakdang paglulunsad ng fuel subsidy program ngayong buwan para sa 179,000 Public Utility Jeepney (PUJ) operators.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, sinusubukan nilang maabot ang mga deadline para mailunsad ang fuel vouchers sa lalong madaling panahon.
Halos araw-araw aniya ang meeting kasama ang mga stakeholders bago i-anunsyo ang paglalabas ng fuel vouchers sa mga lehitimong PUJ operators sa buong bansa.
Sa ngayon, pinoproseso pa ang mga fuel vouchers kung saan ang mga benepisyaryo ang makatatanggap ng P5,000 para maibsan ang tumataas na presyo ng petrolyo.
Plano ng LTFRB na ipamahagi ang subsidy sa installment basis kung saan ang mga PUJ operators ay makatatanggp ng 800 piso kada buwan sa susunod na anim na buwan.
Ang sabsidiya ay ibibigay sa pamamagitan ng debit card na ipoproseso ng Land Bank of the Philippines.
Nasa 977 million pesos ang inilaan para sa programa ngayong taon.