Manila, Philippines – Pinaghihinalaan ni Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwen Garcia ang timing ng inilabas na dismissal order sa kanya ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Garcia, duda siya na may kinalaman sa kanyang pagiging aktibo sa impeachment ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kautusan ng pagpapatalsik sa kanya sa government office.
Tahasang sinabi ni Garcia na sini-single out siya ng Ombudsman dahil ang tagal na ng kaso at gobernador pa siya noon pero ngayon lamang ito inilabas.
Hindi niya umano pakikialaman ang merito ng kaso at ipauubaya na lamang ni Garcia kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang desisyon sa pagpapatupad ng kanyang dismissal order.
Dagdag pa ni Garcia, ipagpapatuloy niya pa rin ang kanyang trabaho bilang kongresista at patuloy pa rin siyang magiging aktibo sa partisipasyon sa impeachment hearing ni CJ Sereno.
Ang kongresista ay nahaharap sa pagpapatalsik sa pwesto dahil sa kasong grave misconduct kaugnay ng pagbili ng isang property sa Naga, Cebu noong 2008 na natuklasan ng mga otoridad na isang mangrove area.