Naging aksyon ng PNP-CIDG sa pagdakip kay FPRRD, posibleng makaapekto sa imahe ng pulisya; Sen. Jinggoy Estrada, naka-relate sa ginawang pagbabanta nang arestuhin si dating Pang. Duterte

COURTESY: ICC/YouTube

Sinermunan ng ilang senador si CIDG Director P/MGen. Nicolas Torre III sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama ang Philippine National Police (PNP) noong March 11 nang arestuhin ang dating pangulo pagkalapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Hong Kong at dito’y nagpahayag ng pagkadismaya si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa naging salita ni Torre na “hihilahin ko ‘yan”.

Aminado si Torre na sinabi niya ito pero nilinaw na hindi para kay dating Pangulong Duterte kundi kay Atty. Salvador Medialdea na kaniyang inaresto dahil sa “obstruction of justice”.


Hindi naman maiwasan ni Estrada na maalala ang kahalintulad na nangyari sa kanila noong 2001 nang arestuhin ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada kasama siya kung saan madaling araw din nang pasukin ng mga pulis ang kanilang kwarto at pilit inaaresto para mailipat sa detention cell at sinabihan din sila ng mga pulis na kakaladkarin sila kapag hindi sumama.

Nagbabala si Estrada sa PNP na ang mga nabanggit ni Torre sa video ay maaaring magpahamak sa imahe ng institusyon at maaaring isipin ng publiko na walang respeto ang pulisya sa matatanda at kahit sa mga dating naging pangulo ng bansa.

Facebook Comments