Inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na gumaan ang kaniyang pakiramdam at nahimasmasan siya nang magtapos kahapon ang kontrobersiyang kinasangkutan ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Naniniwala si Guevarra na kasabay ng mga komplikasyon sa nangyari ay nag-iwan ito ng mga aral na maaaring magamit ng pamahalaan sa mga susunod na Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.
Inihalimbawa ni Sec. Guevarra ang usapin ng criminal justice at ang kapangyarihan ng isang Pangulo na magkaloob ng pardon sa isang akusado.
Si Pemberton na nakapatay sa Pinay transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014 ay naka-alis na ng Pilipinas kahapon ng umaga lulan ng US C-130 plane patungong Japan at may connecting flight naman patungong Amerika.