Nagjogging, Binaril

406

Tugegarao City, Cagayan – Apat na CCTV camera ang puedeng magbigay ng mahalagang impormasyon sa isa na namang kaso ng pamamaril sa Tuguegarao City.

Ang pamamaril ay nangyari bandang alas singko ng umaga, Disyembre 29, 2017 sa College Avenue na harap ng isang unibersidad sa lungsod.


Ang biktima ng pamamaril ay si Chelito Samoy y Bautista, 54 anyos, may asawa, mekaniko at residente ng Ubong, Solana, Cagayan.

Napag-alaman na ang biktima ay kagagaling sa pag-eehersisyo sa Cagayan Sports Complex na malapit lamang sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa ibinahaging impormasyon ng PNP Tuguegarao sa RMN Cauayan News sa ginawang panayam kay Chief of Police P/SSupt Edward Guzman, galing sa regular na pagja-jogging ang biktima nang sundan ito ng dalawang di pa nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo.

Ginawa ng riding in tandem ang pamamaril ilang daang metro mula sa Cagayan Sports Complex at agad tumalilis ang mga ito patungo sa direksiyon ng Balzain, Tuguegarao City.



Ayon sa hepe, nakikipag- ugnayan na sila sa PNP Solana sa mga puede pang impormasyon tungkol sa biktima na puedeng makatulong sa kanilang imbestigasyon.


Ayon naman sa panayam kay Ma. Angelica Tumaliaun na live-in partner ng biktima ay wala naman umanong naikukuwentong kaaway ang kanyang kapareha.

Samantala, ibinahagi pa ni PSSupt Guzman na may 5 spent shell at 2 deformed slug ng kalibre 45 na baril na nakuha sa crime scene na kasalukuyan nang ipinoproseso ng PNP Crime Lab.

Kasalukuyan pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon kaugnay sa panibago na namang pamamaril na ito sa naturang lungsod.

Facebook Comments