
Tinawag ng NAGKAISA labor coalition na isang malaking tagumpay ang naging desisyon ng Korte Suprema na kumikilala sa karapatan sa security of tenure ng ilang media workers ng isang TV network na matagal nang itinuring bilang mga “talents” o “independent contractors.”
Matapos ang labing-isang taong legal na laban, pumabor ang Korte Suprema sa grupo ng mga TV talents na naghain ng labor case laban sa kanilang network.
Ayon kay NAGKAISA Chairperson Sonny Matula, hindi lamang ito tagumpay para sa mga manggagawa sa midya kundi para rin sa napakaraming manggagawa na patuloy na nahaharap sa kawalang katiyakan sa trabaho.
Giit ni Matula, ipinapaalala ng desisyon ng Korte Suprema na ang paggawa ay hindi isang kalakal, kundi isang karapatang konstitusyonal.
Aniya, ang trabahong likas na regular ay dapat ginagampanan ng mga regular na empleyado, at hindi dapat pahintulutan ang mga employer na iwasan ang seguridad sa trabaho sa pamamagitan ng mga tatak, papel, o legal na akrobatika.
Dagdag pa ng NAGKAISA, ang pasya ng kataas-taasang hukuman ay inaasahang magpapanumbalik sa dignidad ng mga manggagawa, lalo na sa sektor ng midya.










