Manila, Philippines – Sabay-sabay na lumabas kanina ang mga city prosecutors sa Justice Cecilia Palma Hall upang kondenahin ang pananambang kay Assistant City Prosecutor Rogelio Velasco.
Nakasuot ang mga tagausig ng itim na t-shirt na may nakasulat na stop killing prosecutors.
Ayon kay Prosecutor Reynaldo Garcia, pangulo ng Quezon city Prosecutors League, ang indignation activity ay hindi lamang alay para sa kanilang hepe na si Velasco kundi sa anim na iba pang prosecutors na ang nasawi sa ilalim ng Duterte Administration.
Maliban kay Velasco, una na ring napatay si QC Prosecutor Noel Mongoa.
Kasama rin sa listahan ng napaslang sina Calookan Prosecutor Diosdado Azarcon, Rizal Prosecutor Maria Ronatay, Prosecutor Alexander Sandoval ng Batangas at Reymund Luna ng Quezon Province.
Nanindigan naman si Garcia na ipagpapatuloy nila ang paggampan ng kanilang tungkulin at hindi sila magpapadala sa takot sa nangyaring pagpatay sa mga prosecutors.
Maliban sa mga prosecutors sa QC, dumating din at nakibahagi sa indignation rally ang mga tagausig galing ng Caloocan, Rizal at mula sa DOJ.
Una nang nagtatag ang QCPD ng Task Group na tututok sa imbestigasyon ng pag-ambush kay Velasco.