Manila, Philippines – Nagkaisa ang mga Senador mula sa Mayorya at Minorya na sa impeachment trial lamang maaring mapatalsik si Chief Justice Maria Lourdes Sereno at hindi sa pamamagitan ng quo warranto petition na pinaboran ngayon ng Supreme Court.
Ipinaliwanag ni Senate President Koko Pimentel na ang Supreme Court ang pinakamataas sa maraming bagay pero hindi sa lahat ng bagay dahil ang usapin patungkol sa impeachment ay nakasasalay lang sa kamay ng Senado.
Katwiran naman ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon, ang quo warranto proceeding ay hindi tama, hindi legal, at hindi naaayon sa konstitusyon na paraan ng pagpapatalsik sa mga impeachable officer.
Bad precedent naman para kay Senate President Pro Tempore ang naging pasya ng kataas taasang hukuman at ibinababa din nito ang kapangyarihan ng mataas at mababang kapulungan.
Diin naman nina Senators kiko Pangilinan at Bam Aquino, ang pagpapatalsik sa isang Chief Justice ay nasa kamay ng Senado, at hindi ng korte kaya dapat maghain ng motion for reconsideration si CJ Sereno.
Para naman kay Senator Risa Hontiveros, isang sampal sa mukha ng Senado ang pagpabor ng mas nakakaraming mahistrado sa quo warranto petition.
Kinikilala naman ni Sen. Sonny Angara ang pasya ng Supreme Court pero nanindigan pa rin sya at si Senator Joel Villaneuva na impeachment lang ang umaayon sa konstitusyon na daan para maalis ang punong mahistrado.
Umaasa naman si Senator Win Gatchalian, na sakaling maghain ng apela si Sereno ay mapag-iisipang mabuti ng mga mahistrado ang kanilang naging pasya at ikonsidera na impeachment lang ang pinapayagang proseso ng saligang batas para mapababa sa pwesto ang punong mahistrado.