Nagkalat na COVID-19 essentials waste sa Anilao, Batangas, ikinabahala ng DENR

Photo Courtesy: BBC

Ikinabahala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga basurang face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at surgical gloves na natagpuan sa mga bahura o reefs sa isang sikat na diving spot sa Anilao, Batangas.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DENR Undersecretary Jonas Leones na sa kabila ng kanilang pagsisikap na ituro sa publiko ang tamang pagtatapon ng mga basurang nabanggit ay may mga nakakalusot pa rin.

Ayon kay Leones, dahil sa pangyayari ay nagbaba agad ng kautusan si DENR Secretary Roy Cimatu na makipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para tutukan ang bawat LGUs sa tamang pamamaraan ng pagtapon ng mga COVID-19 essentials waste.


Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DENR ang mga LGUs na mas paigtingin pa ang segregation ng mga basura sa mga kabahayaan nang sa gayon ay hindi na ito mapunta pa sa karagatan.

Bukod sa mga residential area, pinaniniwalaan ding galing ang mga basurang ito sa ilang cruise ship kaya’t nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Philippine Coast Guard (PCG) at mga operator ng pantalan.

Samantala, selyado na rin ang kasunduan ng DENR at Department of Health (DOH) tungkol sa proper disposal ng mga vaccine vials, syringe at iba pang kagamitan sa COVID-19 vaccination program ng bansa.

Facebook Comments