Nagbigay ng pahayag si National Capital Region Police Office – Officer in Charge (NCRPO-OIC) Director PBrig. Gen Jonnel Estomo ukol sa kumalat na nag-viral na “chop-chop” video sa social media.
Ayon kay Estomo, ang naturang “chop-chop” video ay lumabas na rin sa social media limang taon na ang nakakaraan at tila muling ikinakalat ito para manakot ng mga kababayan.
Paliwanag pa ni Estomo na maging ang dating QCPD director noon na si retired Director Gen. Guillermo Eleazar ay itinanggi at walang katotohanan ang kumakalat na video matapos ang isinagawang pag-iimbestiga noon ng kapulisan.
Dahil dito, inatasan ni Estomo ang QCPD at ang Anti-Cyber Crime Group kung saan inimbestigahan na ngayon kung sino ang nasalikod ng pagpapakalat ng viral “chop-chop” video.
Kasabay nito, umaapela sa publiko si Gen. Estomo na huwag mabahala at mag-panic dahil fake news ang naturang video at walang katotohanan na nangyari ito.
Muling nagbabala ang heneral sa mga uploader ng mga fake news na kapag mapatunayan sila ay responsable maaari silang managot sa batas.
Nananawagan din si Estomo sa publiko na agad na i-report ang anumang nalalaman sa likod ng mga pagpapakalat ng mga fake news at tinitiyak nila na hahabulin sila ng NCRPO at mapapanagot sa batas.