NAGKALINAWAN | Kamara at DBM, nagkasundo na sa "hybrid budget system" sa 2019

Manila, Philippines – Nagkalinawan na ang Kamara at Ehekutibo sa pinagtatalunang sistema sa P3.757 Trillion national budget.

Ayon kay House Majority Leader Rolando Andaya Jr., kasama sa naging pulong kagabi sina Pangulong Rodrigo Duterte, House Speaker Gloria Arroyo at Special Assistant to the President Bong Go.

Dito ay nagkasundo na gawing ‘hybrid’ ang 2019 budget o pinaghalong cash-based budgeting system at obligations-based budgeting system.


Sinabi ni Andaya na wala namang pagtutol si Pangulong Duterte sa hybrid na budget system.

Dahil sa “hybrid” system ng budget ay magkakaroon ng realignment kung saan maibabalik ang pondo ng mga ahensyang kinaltasan ng budget pero walang idadagdag sa halaga ng 2019 budget.

Aminado si Andaya na maganda ang cash-based budgeting ngunit hindi naman ito pwedeng maipatupad ng lubos sa susunod na taon dahil election year at may ban sa implementasyon ng proyekto.

Dahil dito, sasabihan na nila si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na ipagpatuloy agad ang budget hearing pagkatapos ng dalawang linggong break ng Kongreso na magsisimula bukas.

Facebook Comments