NAGKASUNDO | Random drug test mananatiling sa high school at college students lamang ipatutupad

Manila, Philippines – Nagkasundo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Dangerous Drugs Board (DDB), Philippine National Police (PNP) at ang Department of Education (DepEd) na limitahan ang random drug testing sa secondary at tertiary level students alinsunod sa umiiral na batas.

Una nang iminungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagkakaroon ng mandatory drug test sa mga estudyante mula elementarya partikular sa grade 4, secondary at tertiary sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones nagkasundo ang mga concerned agencies na mag kanya-kanya ng trabaho.


Sa panig aniya ng DepEd ang preventive o prevention habang sa PDEA at PNP naman ang bahala sa enforcement.

Paliwanag ni Briones iisa lamang ang goal o hangarin ng mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan at ito ang paglaban sa ilegal na droga.

Bagaman at aminado ang ahensya na nagkaroon talaga ng pagtaas ng bilang ng mga batang mag-aaral na sangkot sa ilegal na droga naniniwala naman ang DepEd na ang pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante ay isang mabisang sandata upang labanan at masugpo ang pagkalat ng ilegal na droga.

Facebook Comments