Manila, Philippines – Bago ang pagbubukas ng session sa Lunes, July 23 ay nauna ng nagpulong ang mga senador na kasapi ng minorya sa Senado.
Ayon kay Opposition Senator Antonio Trillanes IV, kanilang tinalakay ang isyu ng charter change o cha-cha na syang magbibigay-daan sa pagpapalit sa porma ng gobyerno patungong federalism.
Sabi ni Trillanes, nagkasundo ang kanilang grupo na hindi napapanahon ang pag-amyenda sa saligang-batas lalo na kung ang tunay na layunin nito ay mapigilan ang 2019 elections para mapalawig pa ang termino ng mga halal na opisyal.
Inihayag din ni Trillanes ang plano ng minority bloc na tutulan ang sakaling pag-convene sa Senado at Kamara bilang constituent assembly o con-ass para isakatuparan ang cha-cha.
Maliban kay Trillanes, kasali din ng minorya sina Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Leila De Lima, Risa Hontiveros at pinuno nila si Senator Franklin Drilon.