Manila, Philippines – Pagbibitiw ni Sereno hindi maipipilit ng Malacañang ayon kay Secretary Roque.
Aminado ang palasyo ng Malacañang na wala naman silang magagawa kung patuloy na magmamatigas si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ayaw magbitiw sa posisyon.
Ito naman ay sa harap narin ng panawagan narin ng ilang empleyado at opisyal ng Korte Suprema at ang mga miyembro ng Philippine Judges Association na lisanin na ni Sereno ang upuan ng supreme court chief justice.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kung patuloy na babalewalain ni Sereno ang panawagan ay wala namang magagawa ang Malacañang dahil ang Korte Suprema naman aniya ay isang independent constitutional body na hiwalay sa ehekutibo.
Pero sinabi ni Roque na dapat ay timbangin ni Sereno ang kanyang desisyon dahil halos buong hudikatura na kanyang pinamumunuan ay pinaaalis na siya sa posisyon.
Patuloy na nagmamatigas si Chief Justice Sereno na huwag magbitiw sa kanyang tungkulin dahil handa niyang ipaglaban ang kalayaan ng hudikatura at haharapin ang impeachment trial sa senado.