Manila, Philippines – Nagpaabot ng kanya-kanyang wishlist ang ilang mga kongresista para sa ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
Hiling ni Leyte Rep. Henry Ong na marinig sa SONA ng Pangulo ay ang plano para sa programa ng pag-papaangat ng buhay ng mga Pilipino na ngayon ay nahaharap sa mabigat na problema ng inflation rate.
Inihirit din ng mambabatas ang pagpapatibay ng mga financial institutions, pag-sasaayos ng hanay ng transportasyon at pagsusulong ng karapatan ng mga nasa sektor ng LGBT.
Para naman kay Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy, dapat isama ng Pangulo sa kanyang SONA ang pagsasabatas sa Universal Health Care para sa mga Pilipino, programa para sa mga kabataang may kapansanan, pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan, 100 days maternity leave, Magna Carta for Day Care Workers, at ang Air Passengers Bill of Rights.
Dagdag naman dito ni Kabayan Reps. Ron Salo at Ciriaco Calalang ang pagkakaroon ng fixed salary para sa mga barangay officials at dagdag na benepisyo para sa mga barangay health workers.
Sa ngayon ay nakalatag na ang mga pasilidad at seguridad na kakailanganin sa SONA ng Pangulo sa July 23.