Manila, Philippines – Otomatikong magbibitiw sa pwesto ang mga pulis na may planong tumakbo sa eleksyon sa susunod na taon.
Ito ang paalala ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Superintendent Benigno Durana sa oras na maghain na ng certificate of candidacy (COC) ang isang pulis dapat ay nakapagbitiw na sila sa serbisyo.
Hindi raw maitatago ng mga pulis na may planong maging pulitiko sa mga susunod na panahon ang kanilang pagtakbo sa halalan.
Dahil ayon kay Durana natutukoy ng directorate for operation ng PNP ang mga pulis na tatakbo sa halalan.
Nakabatay rin aniya sa election code na sinumang empleyado o opisyal ng gobyerno na nais maging pulitiko ay dapat na mag-resign sa pwesto.
Sakaling hindi manalo sa eleksyon ang nagbitiw na kandidatong pulis hindi na sya makakabalik pa sa pagkapulis.
Sa ngayon patuloy na inaalam ng pamunuan ng PNP ang mga pulis na may plano tumakbo sa halalan sa susunod na taon.