NAGPAALALA | Paglalabas ng saloobin ng ilang propesor ng mga SUCs iginagalang ng Malacañang

Nagpaalala ang Palasyo ng Malacañang sa mga propesor sa mga State Universities and Colleges o SUCs na maghinayhinay sa pambabatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, alam nilang mayroong karapatan ang bawat Pilipino na ilabas ang kanilang saloobin pero hindi dapat kinalilimutan ng mga guro sa SUCs na sila ay mga empleyado ng gobyerno at sila ay sakop ng Civil Service Law.

Kaakibat aniya ng pagiging empleyado ng gobyerno ay ang pananagutan sa naturang batas.


Paliwanag ni Roque, malaki ang pagkakaiba ng paglalabas ng opinion o ang pagkontra sa ilang polisiya ng pamahalaan sa paghimok sa mga estudyante na gumalaw na nagreresulta sa pagliban ng mga ito sa klase na isang pagsasayang ng resources ng pamahalaan lalo pa at libre ang tuition sa mga SUCs.

Binigyang diin ni Roque na iginagalang ni Pangulong Duterte ang anomang pinaniniwalaan ng mamamayan at pinayuhan din naman nito ang mga mag-aaral ang mga guro na ipagpatuloy lang ang kanilang paghahayag ng saloobin dahil ito ay bahagi ng kanilang karapatan pero dapat ay igalang pa rin ang umiiral na civil service law.

Facebook Comments