NAGPABAYA | DILG, naglabas na ng show cause orders laban sa 16 mayors

Isisilbi na ngayong araw ang show cause orders ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa labing anim na local chief executives na umano ay absent o hindi matagpuan sa panahon ng pananalasa ni bagyong Ompong.

Nakapaloob sa show cause order na nilagdaan ni DILG Undersecretary Bernardo Florece na hinihingan ng paliwanag ang mga alkalde sa loob lamang ng limang araw kung anong aksyon ang kanilang ginawa habang nananalasa ang bagyo.

Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, sa kabuoang 16 alkalde, 9 ay mula sa Region 2 habang ang 7 ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).


Sinabi pa ni Malaya, sa ilalim ng local government code, ang isang elective local official ay maaaring patawan ng suspensyon o masibak sa trabaho kapag inireklamo ng gross negligence, dereliction of duty o misconduct in office.

Dahil mga elected public officials, tiniyak ng DILG na bibigyan sila ng due process ngunit kapag napatunayan ang kanilang kapabayaan sa tungkulin, hindi magdadalawang isip ang ahensiya na patawan sila ng kaparusahan.

Bago pa man dumating sa bansa si bagyong Ompong, ipinag-utos na ni DILG Secretary Eduardo Año sa lahat ng local chief executives na kailangan ang kanilang presensiya sa kanilang lugar para matiyak ang agarang tugon mula sa pamahalaan.

Facebook Comments