Manila, Philippines – Uumpisahan ngayong hapon ang moto propio investigation ng Kamara kaugnay sa kontrobersiyang kinasangkutan ni ACTS-OFW Partylist Rep. Aniceto John Bertiz.
Ito ay matapos maghain si Bertiz ng House Resolution 2212 kung saan kusa siyang nagpapaimbestiga sa House Committee on Ethics at hindi na hinintay pa na may maghain sa kanya ng reklamo sa komite.
Pero, wala naman ngayong hapon sa imbestigasyon si Bertiz matapos na maisugod sa ospital.
Sa mensaheng ipinadala ni Bertiz, naisugod na siya sa ospital dahil hindi na kinakaya ang stress at hindi na rin makatulog matapos lumabas ang kontrobersyal na video footage sa NAIA.
Hindi rin pinayagan si Bertiz ng kanyang doktor na dumalo sa nakatakdang pagdinig ngayong hapon.
Kinumpirma naman ng mga kasamahan sa Minorya na kahapon pa naisugod sa pagamutan si Bertiz at dumadaing ito ng ‘chest pains’.
Ayon kina House Minority Leader Danilo Suarez, Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at COOP-NATCCO Partylist Rep. Anthony Bravo mayroong hypertension at high blood pressure si Bertiz.
Sumailalim na rin ito sa angioplasty noong nakaraang taon dahil sa nagbarang tatlong ugat sa kanyang puso.
Samantala, closed-door naman ang imbestigasyon ng Ethics Committee na pinamumunuan ni AGRI Partylist Rep. Delphine Gan Lee sa isyu kay Bertiz kung saan pinayagan lamang sa photo-ops at pagkuha ng video ang media at pinalabas din sa hearing.