Nagpakalat sa social media ng self-learning modules na may malalaswang salita, kakasuhan ng DepEd

Ikinagalit ni Education Secretary Leonor Briones ang pagkaladkad sa Department of Education (DepEd) sa nag-viral na Self-Learning Modules (SLM) na may mga malalaswang salita o pangalan.

Sa budget hearing ng Senado ay nagpahayag ng pagkabahala si Senator Joel Villanueva sa nabanggit na mga modules na may halong kabastusan.

Pero binigyang-diin ni Briones na hindi galing sa DepEd ang nabanggit na learning modules kundi sa isang pribadong review center para sa mga guro na matatagpuan sa isang liblib na lugar sa Zambales.


Sa tingin ni Briones, sinadya at may malisya ang pagpapakalat nito sa social media na ang layunin ay isabotahe ang programa ng DepEd kaugnay sa distance learning.

Ayon kay Briones, hindi nila ito palalampasin at kanilang kakasuhan ang nasa likod nito.

Kaugnay nito ay sinabi naman ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na may binuo silang grupo para siguraduhin na tama ang nilalaman ng kanilang modules.

Binanggit din ni San Antonio ang kanilang planong pagkuha ng third party editors para suriin ang kalidad ng mga learning materials.

Facebook Comments