Nanindigan ang Department of Transportation o DOTr na walang sasantuhin ang sinumang motoristang daraan sa EDSA Busway lalo’t kung hindi naman sila awtorisadong dumaan dito.
Iyan ang inihayag ng DOTr matapos na matekitan ang isang nagpakilalang miyembro ng Airport Police nang hulihin ito ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa northbound lane ng EDSA Guadalupe kahapon.
Batay sa report, sinita ng MMDA constable ang naturang motorista subalit pilit nitong tumatangging ibigay ang kaniyang lisensya.
Dahilan upang humantong ito sa mainitang pagtatalo at inagaw pa ang cellphone ng enforcer na idinodokumento ang pangyayari.
Gayunman, hindi nagpatinag ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation o SAICT at inisyuhan pa rin ng violation ticket ang nagpakilalang Airport Police na posible pang maharap sa reklamong administratibo.
Muli naman ang paalala ng SAICT sa mga motorista na tanging ang mga awtorisadong sasakyan na nakasaad sa resolusyon ng DOTr ang maaaring dumaan sa EDSA Busway.
Sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱5,000 hanggang ₱30,000 at maaari pang irekomendang bawiin ang kanilang mga lisensya sakaling mapatunayan ang bigat ng kanilang pagkakasala.