Nagpakilalang legal wife, ipinatigil ang kasal ng mister sa ibang babae

Mala-teleserye ang eksena ng isang kasalan sa simbahan sa Misamis, Occidental matapos dumating sa kalagitnaan ng seremonya ang nagpakilalang legal wife ng groom at isinigaw ang pamosong linya na: “itigil ang kasal”.

Ang nakagugulantang na pangyayari, naging viral sa social media. Tanong ng mga dumalo at sambayanan: sino ba talaga ang totoong asawa?

Ayon kay Cleofe Boquia, 41, mayroon silang apat na anak at dokumentong magpapatunay na siya umano ang legal wife.


“Gusto ko patayin yung babae. Gusto ko buhusan ng tubig ang kapal ng mukha na ituloy pa ang kasal nila,” tugon ni Boquia sa panayam ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho”.

Aniya, pinakasal siya ng asawang si ‘Jerry’ noong 1999.

Sa limang taon nilang pagsasama, napansin ni Cleofe ang pagbabago ng ugali at pakikitungo ng kabiyak sa kaniya.

Naging malapit rin umano si ‘Jerry’ sa mga babaeng umuupa sa kanilang apartment.

Nang komprontahin, inamin ng mister na may iba na siyang mahal.

Dahil sa matinding pagtatalo, naghiwalay ang dalawa at nawalan ng komunikasyon ng mahabang panahon.

Taong 2017, nalaman ni Cleofe na magpapakasal na sa ibang babae si Jerry.

“Sabi ng anak ko mama ikakasal si Papa hindi mo ba siya pipigilan?’ sambit ni Boquia.

Ilang araw bago maganap ang pag-iisang dibdib, nagtungo si Cleofe sa simbahan at ipinakita ang kanilang wedding papers.

Sambit ng paring nakausap, pumunta siya sa mismong araw ng kasal at sabihing tinutulan niya ang seremonya.

Matapos ang insidente, sinampahan niya ang asawa ng kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children.

Dahil din sa pangyayari, hindi na natuloy pa ang pagpapakasal ni ‘Jerry’ at sumampa na ulit siya sa barko bilang seaman.

Facebook Comments