Manila, Philippines – Nagpaliwanag ngayon si Judy Ann Santos kung bakit hindi na napapanood sa noontime show ang mister na si Ryan Agoncillo.
Ayon kay Juday, kinailangan kasi ng mister na si Ryan na mag-focus sa kaniyang therapy dahil matagal gumaling ang natamo nitong injury sa tuhod noong nakaraang taon matapos maaksidente sa pagmo-motorsiklo.
Dagdag pa ni Judy Ann, nagkataon na ang oras ng kaniyang therapy ay oras din sa pag-hosting nito sa noon time show.
Nabatid kasi na matapos na matignan ng surgeon ang ginawang operasyon sa tuhod ni Ryan, nakitang mabagal ang paggaling nito.
Sa ngayon, pahinga na muna sa trabaho si Ryan pero nagwo-work out pa din ito para sa mabilisang paggaling kung saan mas marami na daw siyang oras para makapiling ang kaniyang pamilya.