NAGPALIWANAG | Mga pulis na hindi nakadalo sa drug case hearing ni Kerwin Espinosa, dumipensa

Manila, Philippines – Nagbigay ng kani-kanilang paliwanag ang mga pulis hinggil sa hindi nila pagdalo sa mga nakaraang pagdinig ng Manila Regional Trial Court kaugnay sa kinakaharap na kaso ng bawal na gamot ng kilalang druglord na si Kerwin Espinosa.

Sa kanilang pagharap kay Judge Silvino Pampilo Jr. ng Manila RTC Branch 26, na nagsasagawa ng pre-trial and joint trial sa kaso, pinaliwanag ni Ozamis City Police Chief, Chief Inspector Jovie Espenido na hindi siya nakadalo noon dahil siya ay nasa Hong Kong.

Ang nasabing trip to Hong Kong aniya ay bahagi ng meritorious award na binigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tagumpay ng kaniyang operasyon laban sa bawal na droga.


Isa pa aniyang dahilan ay ang pagkabalam o delay ng flights na may kinalaman sa katatapos na ASEAN Summit sa bansa.

Hindi naman nakatanggap ng subpoena ang panig ni Chief Inspector Shevert Alvin Machete at iba pang pulis kaya hindi sila nakarating sa pagdinig ni Judge Pampilo.

Sabi pa ni Machete, problema rin nila ang laki ng pasahe papunta at pabalik ng Maynila mula sa Ormoc City.

Ayon naman kay Chief Inspector Leo Laraga, nalipat siya sa General Santos City kaya bukod sa talagang malayo ay sadyang magastos ang pagbiyahe niya patungong Maynila upang dumalo sa hearing ng husgado.

Facebook Comments