Manila, Philippines – Ipinaliwanag ngayon ng Palasyo ng Malacañang ang dahilan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nito na arestuhin si dating Intelligence Officer Jimmy Guban.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ang ibig sabihin lang ng Pangulo na arestuhin si Guban ay dalhin ito sa National Bureau of Investigation o NBI para maimbestigahan at walang anomang gawain na hindi dumadaan sa due process.
Paliwanag pa ni Panelo, nasabi lang ng Pangulo ang katagang aresto bilang pagpapakita ng kanyang galit o pagkainis sa katulad ni Guban.
Pero sinabi din naman ni Panelo na ibang usapan na kung mayroong pending warrant of arrest kay Guban na pinatitingnan na rin naman aniya ni Presidente sa Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI).
Tinitingnan din naman aniya kung may ground para magsagawa ng warrantless arrest.