
Naaresto na ng mga awtoridad ang isang indibidwal na nagpanggap bilang nurse matapos nitong tangkaing muling magpuslit ng isa pang bagong silang na sanggol sa isang Department of Health (DOH) hospital.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), iniimbestigahan na nila ang insidente matapos umanong mailabas ng suspek ang isang bagong silang na sanggol mula sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Batay sa incident report, malayang nakapasok ang suspek sa ward at kinuha ang sanggol sa harap mismo ng mga magulang. Ipinakilala umano nito ang sarili bilang health worker at sinabing isasailalim lamang ang sanggol sa newborn screening.
Kasunod ng insidente, muling umalingawngaw ang panawagan ng ilang sektor na magkaroon ng iisang standard uniform at mas malinaw na identification system sa lahat ng DOH hospitals upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari. Gayunman, ayon sa mga kritiko, matagal na umanong isinusulong ang panukalang ito ngunit hindi pa rin nabibigyang-priyoridad.
Dahil dito, may ilang sektor na muling kumukuwestiyon sa kakayahan ng pamunuan ng DOH sa pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong ospital.
Babala ng mga eksperto, ang mga kahinaan sa sistema ng seguridad ay maaaring sinasamantala ng mga grupong sangkot sa human trafficking at kidnapping, dahilan upang mas lalo pang higpitan ang mga panuntunan sa loob ng mga pagamutan.










