NAGPAPATAHI NG SCHOOL UNIFORMS, MATUMAL; PRESYO NITO, BUMABA

Cauayan City – Bumaba man ang presyo, matumal pa rin naman ang bilang ng mga nagpapatahi ng school uniforms sa lungsod ng Cauayan.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Araceli Zamora, mananahi mula sa lungsod, kung ikukumpara noong mga nakaraang taon ay malaki ang naging pagbaba ng bilang ng mga nagpapatahi ng uniporme.

Aniya, napapakamot rin sila ng ulo dahil sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga materyales ay bumaba naman ang presyo ng uniporme ngayon, kung saan, ang dating P1000 – P1200 kada set, ngayon ay nasa P850-P1100 na lamang.


Lugi na umano kung tutuusin dahil bayad pa lamang ito ng tela at ng mananahi.

Sinabi ni Ginang Zamora na kaya naman nilang magbaba rin ng presyo ngunit hindi kasing baba ng presyo na iniaalok ng malalaking patahian.

Sa ngayon, bumabawi na lamang umano sila ng kita kapag may mga eskwelahan na kumokontrata sa kanila na magpatahi ng bultuhan.

Facebook Comments