NAGPAPATULONG | DENR, umapela sa publiko na tulungan ang ahensiya na makita ang 9 na endangered animal species na ninakaw sa Avilon Zoo

Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko dahil wala pang lead na tulungan silang matunton ang siyam na ‘endangered animal species’ na ninakaw mula sa Avilon Zoo sa Rodriguez, Rizal.

Ayon sa DENR, patuloy sa pangangalap ng mga impormasyon ang kanilang attached-agency na Biodiveristy Management Bureau (BMB) sa insidente na nangyari noong August 14.

Tiniyak ni BMB Director Crisanta Marlene Rodriguez na anumang impormasyon na ibibigay sa kanilang tanggapan ay hindi ito isasapubliko para na rin sa kanilang proteksyon.


Mangyari aniyang kontakin ang pinakamalapit na DENR office o sa pamamagitan ng official Facebook page ng kagawaran (DENR-Biodiversity Management Bureau o @denrbiodiversity).

Sabi pa ni Rodriguez, ang impormante ay pwede ring makipag-ugnayan direkta sa management ng zoo sa telepono bilang (02) 213-1062 at 948-9866, o sa cellphone number 0908-865-8984.

Sa anunsiyo ng pamunuan ng Avilon Zoo, kabilang sa ninakaw na endangered o nanganganib nang maubos na hayop ang tatlong red footed tortoise (Chelonoidis carbonaria); isang mature yellow-footed tortoise (Chelonoidis denticulatus); isang common snapping turtle (Chelydra serpentina); tatlong mature black palm cockatoos (Probosciger aterrimus), at isang juvenile brown tufted capuchin monkey (Sapajus apella).

Ang mga ito ay bahagi ng conservation breeding program ng Avilon Zoo na kasalukuyan ay pinakamalaking Zoological Institution sa bansa batay sa lawak ng land area at dami ng animal collection ng pasilidad.

Sa ilalim ng Republic Act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, nahaharap sa parusang kulong nang hanggang anim na taon at multa na kalahating (P500,000) milyong piso ang violator na mapapatunayang ‘guilty’ sa paglabag sa batas na ito.

Facebook Comments