Israel – Nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte kay Israel President Reuven Rivlin sa pagtulong ng Israel sa pagbawi ng gobyerno ng Pilipinas sa Marawi City matapos okupahin ng mga teroristang ISIS.
Sa pagharap nila ni Rivlin ay sinabi ni Pangulong Duterte na malaki ang naitulong ng mga military equipment na ipinagamit ng Israel para manalo sa giyera sa Marawi.
Kaya naman sinabi ni Pangulong Duterte na inatasan niya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kung bibili ng military equipments partikular ang mga intelligence gadgets ay sa Israel lang bibili.
Sinabi din ni Pangulong Duterte na dahil sa terorismo sa buong mundo ay mas kailangang magtulungan ng Pilipinas at Israel para ito ay labanan na sa tingin ng Pangulo ay hindi mauubos sa susunod pang 10 taon.
Naniniwala si Pangulong Duterte na hindi magkakaroon ng problema ang relasyon ng Pilipinas at Israel dahil ang dalawang bansa ay kumakampi sa tamang moral.
Tiniyak din naman ni Pangulong Duterte na mananatiling tapat ang Pilipinas sa demokrasya at sa karapatan ng isang bansa na mamuhay ng mapayapa.
Welcone din naman aniya si Rivlin na bumisita sa Pilipinas.