Nagsampa ng kaso sa lolo na umano’y nagnakaw ng mangga, maituturing ding biktima

Isiniwalat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may ikalawa pang biktima sa viral na istorya ng kaso ni Lolo Narding Flores na inaresto dahil sa pagnanakaw ng tatlong sako ng mangga sa Asingan, Pangasinan.

Napag-alaman ni Lacson na hindi lang ang 80-anyos na si Lolo Flores ang biktima sa kasong ito kundi gayundin si Robert Hong na caretaker ng lote kung saan sinasabing kinuha ang mangga.

Batay sa inisyal na pag-iimbestiga ni Lacson ay ibinenta umano ni Flores sa talipapa ang tatlong sako ng mangga na kanyang kinuha sa lote na binabantayan ni Hong.


Matapos mag-viral ang pag-aresto at pagkulong kay Flores, ay kinailangan ni Hong na magtago at hindi na rin makapaghanapbuhay dahil sa pambu-bully na binato sa kanya ng mga vlogger at netizen.

Diin ni Lacson, kung si Lolo Flores ay biktima ng kahirapan ay biktima rin ng sitwasyon si Hong.

Ayon pa kay Lacson, maging ang Public Information Office (PIO) ng Asingan ay humingi ng paumanhin kay Hong dahil sa pamba-bash na natanggap nito online.

Paalala ni Lacson sa publiko, dapat matuto ang lahat sa pangyayaring ito at huwag agad manghusga at magtapon ng masasakit na salita sa ibang tao, lalo na sa social media.

Facebook Comments