Dumagdag na rin si Cavite Representative Elpidio Barzaga Jr., sa mga kongresista na nagsusulong na imbestigahan ng kinauukulang komite sa Kamara ang paglubong ng MB Aya Express sa Laguna Lake na sakop ng Binangonan, Rizal kung saan 27 ang nasawi.
Nakasaad sa House Resolution No. 1159 na inihain ni Barzaga na layunin ng pagdinig kung sapat ba ang kakayahan o kailangan ng reporma sa pagtugon ng kinauukulang ahensya sa mga kalamidad.
Pangunahing tinukoy ni Barzaga na kailangang silipin ang kakayahan sa disaster response ang Philippine Coast Guard (PCG), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Local Government of Binangonan, Rizal, at ibang kaugnay na ahensya.
Ayon kay Barzaga, target din sa pagdinig na matukoy kung nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng PCG kasunod ng impormasyon na overloaded umano lumubog na motorized boat.
Ikinalungkot ni Barzaga na sa dami ng mga nagdaang kalamidad at trahedya sa bansa ay tila hindi pa tayo natututo ng leksyon kaya dapat mailatag ang sapat na mga plano at mga hakbang para matiyak ang proteksyon ng mamamayan sa mga ganitong pagkakataon.