NAGTAKDA | Petsa ng local absentee voting, itinakda na ng COMELEC

Manila, Philippines – Nagtakda na ang Commission on Elections (COMELEC) ng petsa para sa pagdaraos ng Local Absentee Voting.

Itinakda ng COMELEC ang local absentee voting sa April 29, 30 at May 1.

Ang mga maaring makaboto sa ilalim ng local absentee voting ay ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, myembro ng PNP at AFP at myembro ng media na inaasahang nasa trabaho sa araw ng halalan sa May 13, 2019.


Pinapayagan ang local absentee voters na bumoto ng mga kandidato sa pagka-senador at party list organization.

Ang mga boboto sa ilalim ng local absentee voting ay kinakailangang kumuha ng application at isumite ito hanggang March 11, 2019.

Para sa mga kawani ng gobyerno at myembro ng AFP at PNP, ang aplikasyon ay isusumite sa mga pinuno o supervisor ng kanilang tanggapan o di kaya ay sa kanilang commander.

Ang media naman ay maghahain ng application sa mga lokal na tanggapan ng COMELEC, pero ang application ay dapat na may kalakip na sertipikasyon mula sa mga opisyal ng media entity.

Ang mga boto sa ilalim ng local absentee voting ay bibilangin sa hapon ng araw ng eleksyon.

Facebook Comments