Manila, Philippines – Posibleng hindi na bumalik sa bansa si dating Commission on Election o COMELEC Chairman Andres Bautista para iwasan ang mga kasong posible niyang kaharapin kaugnay sa umano’y pagkakaroon ng tagong yaman.
Ito ang inihayag ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ng misis ni Bautista na si Patricia na siyang nagbunyag na mayroong halos isang bilyong pisong bank accounts ang dating COMELEC chairman.
Si Kapunan, kasama ang kliyente na si Patricia ay personal na nanood sa Senado ng pagdinig ng Committee on Banks, Financial Institutions And Currencies ukol sa posibleng paglabag ni Bautista sa Anti Money Laundering Act.
Hamon ni Kapunan, kay Bautista, huwag itong magtago at harapin ang lahat ng mga akusasyon sa kanya.
Sabi naman ni Patricia, katulad ng lahat ay nais niyang lumabas ang katotohanan ukol sa mga natuklasan niyang financial documents ng dating mister.
Sabi ni Patricia, wala siyang alam kung nasaan ang mister pero batid niya na ang pamilya nito ay nasa Amerika.
Ayon kay Patricia, siya at ang kanyang mga anak ay matagal ng hindi nakikita o nakakausap si dating COMELEC Chair Bautista.