Cauayan City – Patuloy ang ginagawang maigting na pagbabantay ng pamunuan ng Naguilian Police Station sa mga lansangan sa kanilang nasasakupan.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Police Lieutenant Mirasol Pelagio, Admin Officer ng Naguilian Police Station, hindi tumitigil ang kanilang hanay sa pagpapatrolya at pagbabantay sa mga lansangan lalo na sa mga National Highway.
Ayon kay PLT Pelagio, gustuhin man na tuluyang matigil ay hindi talaga maiiwasan na makapagtala ng aksidente sa lansangan lalo na ngayong sumapit na muli ang panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni PLT Pelagio na bukod sa Police Visibility, patuloy rin ang kanilang ginagawang pamamahagi ng mga polyetos patungkol sa mga batas trapiko upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng publiko pagdating sa mga batas trapiko.
Samantala, patuloy rin ang ginagawang pagpapaalala ng kapulisan sa mga motorista na magdoble ingat at palaging dalhin ang disiplina sa pagmamaneho saan man sila mapunta.
Panuorin ang kanyang naging pahayag: CLICK HERE!